All-set na ang mga paghahanda ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para sa nalalapit na paggunita sa Undas.
Sa panayam ng programang Boses kay PITX Spokesperson Jason Salvador, sinabi niyang nasa top condition ang lahat ng bus companies upang magbigay ng serbisyo sa mga magsisiuwi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pagtitiyak pa ni Salvador, na kahit pa tumaas ang produktong petrolyo ay hindi magkukulang ang bilang ng mga bus dahil tiyansa din ito ng mga bus company na makabawi ng kita dahil sa inaasahang dagsa ng mga pasahero.
Siniguro rin ng PITX ang koordinasyon nito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) hinggil sa pag-issue ng special permits upang madagdagan pa ang bilang ng mga bumibiyaheng bus.
Dagdag pa ni Salvador, na pinaghahandaan din nila ngayon ang extended vacation streak ng mga biyahero dahil naman sa gaganaping ASEAN Summit sa Nobyembre 16 hanggang 18.
Aniya, pinaghahandaan din nila ito upang matiyak na sapat pa rin ang bilang ng mga bus at iba pang pampasaherong sasakyan sa PITX.
24/7 ding handa ang lahat ng kawani ng PITX na magbigay ng serbisyo at alalay sa mga pasaherong mananatili sa kanilang terminal sa papalapit na UNDAS at ASEAN Summit.