Ipinauubaya na ng House Prosecution team sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang pagsusuri sa isyu ng buwis nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Mans Carpio.
Ito ang naging tugon ni Prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers nang tanungin tungkol sa posibleng isyu ng tax evasion laban sa mag-asawa.
Ayon kay Barbers, tungkulin na ito ng mga angkop na ahensya ng gobyerno at hindi saklaw ng mandato ng prosekusyon.
Aniya, nakatutok ang trabaho ng prosekusyon sa pagsuporta sa mga alegasyon ukol sa unexplained wealth o hindi maaliwalas na yaman.
Matatandaang sa pagharap ni Bureau of Internal Revenue (BIR) official Anne Lorraine Garcia Marquez sa impeachment court, ibinunyag ang hindi pagkakatugma ng mga numero.
Lumitaw na umabot sa P85.34 milyon ang kita matapos bawasan ng buwis ni VP Duterte mula 2007 hanggang 2025, ngunit ang nakasaad sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) para sa 2025 ay nagkakahalaga ng P98.65 milyon.
Paliwanag ni Barbers, ang mismong sentro ng isyu rito ay ang discrepancy o agwat — kung saan mas mataas ang net worth ng Bise Presidente noong 2025 kumpara sa kanyang natitirang kita matapos magbayad ng buwis.
Ito ay nag-iwan ng mga katanungan kung bakit may mahigit P12 milyong diperensya sa pagitan ng kanyang kita at net worth.