Photo courtesy of Philippine Red Cross
Nagbigay ng hot meals o mainit na pagkain ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga residenteng apektado ng minor phreatomagmatic eruption ng Bulkang Taal.
Nabatid na nitong Huwebes (October 8 ), bandang alas-6:06 ng gabi, naitala ng PHIVOLCS ang limang minutong pagputok sa Main Crater ng bulkan, na nagbuga ng maitim na usok na umabot sa 4,000 metro ang taas.
Agad na nagpadala ang PRC Batangas Chapter ng mga response team sa Barangay Pansipit, Agoncillo, Batangas, at namahagi ng mainit na pagkain sa 143 indibidwal na pansamantalang tumutuloy sa evacuation center. Nauna nang namahagi ang PRC ng mga mask at iba pang proteksyon.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, malaking ginhawa ang hatid ng mainit na pagkain sa mga pamilyang lumikas sa kanilang tahanan.
Tiniyak din niyang patuloy na aagapay ang kanilang mga team sa mga komunidad.