Ipinagkaloob ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng prosekusyon na idagdag ang pitong karagdagang insidente ng pamamaslang sa kasong crimes against humanity na kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kontrobersyal nitong kampanya kontra sa droga.
Gayunpaman, ibinasura ng hukuman ang ikawalong insidente dahil lumagpas ito sa itinakdang panahong saklaw ng kaso kung saan ito inihain.
Ayon sa desisyon ng ICC, ang bawat nadagdag na insidente ay may nakasaad na petsa, lugar, biktima, at mga pinaghihinalaang salarin na kailangang paghandaan ng kampo ng depensa sa pagsisimula ng paglilitis.
Ipinag-utos din ng tribunal sa panig ng prosekusyon na ihain ang kanilang binagong trial brief, listahan ng mga testigo, at listahan ng ebidensya sa Oktubre 16, habang ang panig naman ng depensa ay may hanggang Oktubre 30 upang maghain ng kanilang listahan ng mga kontrobersyal na isyu.
Matatandaang si dating Pangulong Duterte ay nahaharap sa paglilitis sa ICC kaugnay ng libu-libong napatay sa ilalim ng war on drugs noong siya ay alkalde pa ng Lungsod ng Davao at nang siya ay maupong Pangulo ng bansa.