Tinatayang aabot sa mahigit ₱43.7 milyon ang halaga ng mga hinihinalang ilegal na droga na nasabat sa walong abandonadong parcel sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City noong October 9.
Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group, kabilang sa mga nakumpiska ang mahigit limang kilo ng hinihinalang shabu, 261 gramo ng cocaine, 482 tabletang hinihinalang ecstasy, mahigit isang kilo ng ketamine at halos kalahating kilo ng marijuana kush.
Natukoy ang mga parcel sa pamamagitan ng cargo X-ray screening ng Bureau of Customs, K-9 inspection ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at mano-manong pagsusuri.
Batay sa mga dokumento, nagmula ang mga padala sa Mexico, Canada, India, United Kingdom, Thailand, Malaysia at Belgium. Nakasaad sa mga dokumento na ang mga tatanggap ay mula sa Cavite, Tarlac at Laguna.
Itu-turn over ang mga nakumpiskang droga sa PDEA National Office sa Quezon City para sa wastong disposisyon at karagdagang imbestigasyon.
Ayon kay PNP Aviation Security Group Director PBGen. Dionisio Bartolome Jr., mananatiling nakaalerto ang mga awtoridad upang mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal na droga sa bansa.