Tiniyak ni House Deputy Speaker at Zambales 1st District Representative Jay Khonghun na makakarating sa liderato ng Kamara at sa iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan ang manifesto ng apela ng mga lokal na mangingisda sa probinsya.
Inihayag ito ni Khonghun kasama si Zambales 2nd District Representative Doris “Nanay Bing” Maniquiz matapos nilang personal na tanggapin ang naturang dokumento mula sa mga mangingisda at kinatawan ng sektor ng pangingisda sa gitna ng ginanap na kilos-protesta laban sa patuloy na pambubully at panggigipit ng China saWest Philippine Sea.
Ayon kay Khonghun, sisiguraduhin niyang madidinig ng kapwa niya mga mambabatas sa Kamara pati na rin ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang nilalaman ng manifesto upang mabigyan ng kaukulang aksyon at proteksyon ang kabuhayan ng mga mangingisdang Zambaleño.