Pinag-aaralan ng pamahalaan at Amazon Web Services (AWS) ang mga oportunidad upang mapalawak ang presensya ng kompanya sa Pilipinas, kabilang ang pagpapalawak ng digital infrastructure at paggamit ng artificial intelligence (AI).
Sa pulong kasama si Finance Secretary Frederick Go at mga opisyal ng AWS sa Singapore, tinalakay ang posibleng pagpapalawak ng pamumuhunan ng kompanya sa bansa.
Kabilang sa mga tinalakay ang pagtatayo ng mga data center at paggamit ng cloud technology at AI upang mapahusay ang operasyon ng mga negosyo, mapataas ang productivity at mapabuti ang paghahatid ng serbisyo.
Inaasahan ding makalilikha ito ng mas maraming oportunidad para sa mga manggagawang Pilipino.
Sa loob ng mahigit isang dekada, sinuportahan na umano ng AWS ang mga negosyong Pilipino at pinalawak ang cloud infrastructure nito sa bansa sa pamamagitan ng Manila Local Zone. Kabilang din dito ang pagsasanay sa mahigit 280,000 Pilipino sa cloud skills.