Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa rocket launch ng China sa bahagi ng Philippine archipelagic waters sa Palawan.
Kinumpirma ng PhilSA ang paglulunsad ng Long March 12 rocket dakong 3:28 AM ngayong Sabado, oras sa Pilipinas.
Ayon sa PhilSA, kabilang sa mga tinukoy na drop zone ang mga karagatang 23 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 19 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park.
Binigyang-diin ng ahensya na mapanganib ang rocket debris sa mga sasakyang panghimpapawid at pandagat na maaaring dumaan sa mga nasabing lugar.
Posible ring matangay ang debris patungo sa mga kalapit na baybayin.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang makitang debris at huwag itong hawakan o lapitan dahil maaaring nagtataglay ito ng mga nakalalasong substance, kabilang ang rocket fuel.