Binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Singapore Nuclear Research and Safety Institute (SNRSI) bilang bahagi ng kanyang limang araw na working visit sa Singapore.
Itinatag ang SNRSI noong 2014 sa ilalim ng Nuclear Safety Research and Education Programme, na layong pagsama-samahin sa isang institusyon ang mga nuclear expert at palawakin ang kaalaman sa nuclear technology at kaligtasan nito.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng Pangulo na mayroon nang mga Pilipinong eksperto at propesyonal na sinanay para sa pagpapaunlad ng nuclear energy program ng bansa noon pang 1986.
Gayunman, hindi na aniya naipagpatuloy ang susunod na bahagi ng programa, na sadyang nakapanghihinayang para sa Pangulo.
Kaugnay nito, inihayag ng Pangulo na mahalagang gamitin ang kaalaman ng mga Pilipinong eksperto sa pagsusulong ng nuclear energy sa bansa. Gayunman, kailangan pang matukoy ang mga susunod na hakbang at ang kasalukuyang plano ng pamahalaan upang muling maisulong ang programa.
