Natagpuan ng Philippine National Police (PNP) ang isang pinaghihinalaang arms cache ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Barangay Sinamar, Roxas, Isabela.
Naganap ito apat na araw matapos ang pagsabog sa lugar na ikinamatay ng apat na katao, kabilang ang tatlong bata at isang 85-anyos na babae.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., narekober sa isang nakabaong lalagyan ang mga granada, bala, improvised explosive device at iba pang kagamitang pinaghihinalaang may kaugnayan sa CTG.
Nakuha ang impormasyon mula sa isang dating rebelde na nagbigay ng tip sa mga awtoridad noong October 7.
Patuloy na iniimbestigahan ng PNP Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit ang pagsabog upang matukoy ang uri at pinagmulan ng pampasabog.
Nagbabala si Nartatez sa publiko na huwag hawakan ang anumang kahina-hinalang bagay at agad itong ireport sa pulisya upang maiwasan ang panibagong trahedya.
