Itinanggi ni Senador Erwin Tulfo na may intensyon ang senado na madaliin ang pag-convict kay Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Ayon kay Tulfo, ang nais lamang niyang linawin ay kung dapat bang isama sa pagbibilang ng boto sa dulo ng trial ang mga senator-judges na hindi nakakadalo sa paglilitis dahil sa pagkakakulong, pagtatago o medical leave.
Paliwanag niya, walang abstention sa impeachment voting at yes o no lamang ang maaaring maging boto.
Kaya nais niyang malaman kung paano dapat ituring ang boto ng mga senator-judge na hindi nakadalo sa trial.
Giit ni Tulfo, hindi patas na sabihing minamadali ng senado ang conviction ni VP Sara dahil binibigyan lang aniya niya ng pagkakataon na malinawan ang usapin bago magkaroon ng pinal na desisyon.
Sinabi rin ng senador na handa siyang makinig sa magiging posisyon ng mga dating mahistrado ng Supreme Court na magsisilbing amici curiae sa pagdinig sa September 16.
Ayon kay Tulfo, mahalagang pakinggan muna ang kanilang legal na pananaw bago magpasya sa usapin ng voting threshold. | ulat ni Nimfa Asuncion