Nanawagan si Impeachment Court Sokesperson Atty. Reginald Tongol sa publiko na huwag mawalan ng tiwala sa mga senator-judges sa gitna ng usapin sa pagbabago ng voting baseline at threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tongol, nauunawaan ng impeachment court ang mga obserbasyon na maaaring may ilang senador na nais lang mapadali ang botohan sa impeachment trial.
Pero giit niya, bahagi ito ng democratic process at kailangang pagdaanan ang proseso para maresolba ang magkakaibang pananaw sa bilang ng mga botong kailangan para makapagpasya sa kaso.
Sa kasalukuyan, may naunang ruling si Presiding Officer Chiz Escudero na 16 na boto ang kailangan para ma-convict si VP Sara, habang muling pinag-uusapan kung dapat bang ibaba ang voting baseline sakaling 20 senador lang ang makadalo sa paglilitis.
Sinabi ni Tongol na makatutulong sa mga senator-judges ang mga amici curiae o “friends of the court” sa pagresolba sa usapin.
Kabilang sa inimbitahang legal experts sina retired Supreme Court Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno, at Retired Associate Justices Adolf Azcuna at Hilario Davide.
Paliwanag ni Tongol, pinili sila batay sa kanilang credentials, expertise, naging desisyon at karanasan sa paghubog ng 1987 constitution, gayundin sa kanilang hindi pa nailalantad na posisyon sa usapin.
Sa September 16, isa-isang ilalahad ng mga amici curiae ang kanilang legal positions bago magtanong ang mga senator-judges.
Sinabi rin ni Tongol na kasama sa maaaring talakayin ang mismong kapangyarihan ng senado na baguhin ang voting baseline.
Kung magkaroon naman aniya ng tie sa botohan, sinabi ni tongol na nangangahulugan itong nabigo ang mosyon na baligtarin ang naunang ruling ni Escudero, kaya mananatili ang 16-vote requirement.
hindi naman na boboto si Escudero sa naturang usapin dahil ang kanyang naunang ruling ang itinuturing na kanyang boto. | ulat ni Nimfa Asuncion