Nilinaw ng Department of Agriculture o DA na ang mga inihandang alternatibong trabaho para sa mga magsasakang maapektuhan ng matinding El Niño ay hindi magiging katulad ng “street-sweeping” o paglilinis ng mga lansangan sa ilalim ng programa ng Department of Labor and Employment o DOLE na Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.
Sa isang national security forum na ginanap sa Villamor Air Base Golf Club sa Pasay, tiniyak ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang mga ibibigay na alternatibong kabuhayan ay direktang nauugnay sa kani-kanilang kasanayan sa pagsasaka at farm mechanization.
Mahalaga kasi na kahit hindi makapag-tanim ang mga magsasaka dahil sa El Niño ay hindi pa rin mapabayaan ang kanilang mga lupang sakahan.
Ayon kay de Mesa, layunin ng hakbang na ito na masigurong magagamit at mapapakinabangan pa rin ang kaalaman ng mga magsasaka sa sektor ng agrikultura habang nahaharap sa banta ng tagtuyot ang kanilang mga sakahan.
“Yung mga magsasaka na hindi makakatanim, puwede silang priority program natin sa TUPAD at ang gagawin nila, hindi sila magwawalis po ha— magtatrabaho pa rin sa bukid. Mag-aayos ng kanilang mga pilapil. Mag-aayos ng kanilang mga makinarya— lahat ng trabaho sa bukid, puwedeng bayaran, hindi puwedeng mag-walis lang para maging productive ‘yung kanilang gawain at saka ‘yung kanilang bukid, of course,” saad ni De Mesa.