Kinilala ni Senador Chiz Escudero ang pagkakabuo ng unang halal na Bangsamoro Parliament bilang isang makasaysayang hakbang sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Escudero, patunay ang unang sesyon ng Parliament na maaaring mapalitan ng makabuluhang oportunidad para sa kapayapaan, katatagan at sariling pamamahala ang ilang dekadang sigalot sa rehiyon.
Binati rin ng senador si Chief Minister Abdulraof Macacua at ang mga miyembro ng unang halal na Bangsamoro Parliament at hinimok na magkaisa para maisulong ang mga interes at adhikain ng mga Bangsamoro.
Umaasa si Escudero na mapalalakas ng bagong Parlamento ang ekonomiya, mapabubuti ang serbisyo publiko at mapalalawak ang mga oportunidad para sa mga komunidad sa BARMM.
Giniit ng mambabatas na masusukat ang tagumpay ng democratic transition sa kung paano nito mapabubuti ang pang-araw-araw na buhay ng mga pamilyang Bangsamoro. | ulat ni Nimfa Asuncion