Sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na wala silang natatanggap na request mula kay Vice President Sara Duterte para palitan o tanggalin ang mga sundalong nakatalaga para protektahan siya.
Sa kabila ito ng sinabi ni VP Sara nitong weekend na hindi niya nararamdaman na ligtas siya at wala siyang tiwala sa korte at sa mga pulis.
Ayon kay Teodoro, karapatan ni VP Sara na ipa-withdraw ang mga sundalo sa kanyang security detail kung wala na siyang tiwala.
Courtesy at privilege naman aniya ang security provision mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pero binigyang-diin ng kalihim na mission-trained ang mga sundalo at wala silang personalan.
Samantala, pinahayag rin ni Teodoro na ipinaubaya na ng AFP sa Office of the Ombudsman ang imbestigasyon sa naging security officers ni VP Duterte na sina Army Colonels Raymund Dante Lachica at Dennis Nolasco.
Matatandaang sinabi ng mga testigo sa Senate Impeachment Trial na sila Lachica at Nolasco ang humawak sa naging Confidential Funds ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) at nagpatupad noon ng confidential activities ng dalawang opisina.
Binanggit ni Teodoro na hindi na inabot ng imbestigasyon ng AFP ang tungkol sa sinasabing paghawak nina Lachica at Nolasco sa Confidential Funds dahil nag-iimbestiga na ang Ombudsman, na mas malawak aniya ang pagsisiyasat.
Susunod naman aniya ang AFP sa proseso kung i-subpoena ng Senate Impeachment Court ang dalawang military officers na sa ngayon ay nasa floating status. | ulat ni Nimfa Asuncion