Apat na retiradong mahistrado ang magsisilbing amici curiae o “friends of the court” sa usapin ng voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, pisikal na haharap sa Senado sa September 16 sina Retired Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno, at Retired Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna para magbigay ng kanilang expert advisories.
Samantala, magsusumite naman ng legal memorandum si Retired Chief Justice Hilario Davide Jr., na naging presiding officer ng impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Sinabi ni Tongol na maaari pa itong mag-imbita ng karagdagang eksperto kung kinakailangan.
Hindi muna ilalabas o ikokomento ng Korte ang nilalaman ng mga advisory bago ang pormal na presentasyon ng mga ito.
Ang mga senator-judge aniya ang magkakaroon ng unang pagsusuri sa mga isusumiteng written advisory.
Sa September 16, ihaharap ng tatlong mahistrado ang kanilang legal na pananaw, habang itatala naman sa rekord ang memorandum ni Davide.
Sa petsang iyon, tanging ang mga senator-judge ang maaaring magtanong para sa paglilinaw.
Pagsapit ng september 23, isasagawa naman ang oral arguments kung saan bibigyan ng pagkakataon ang house prosecution panel at defense panel na ipresenta ang kanilang panig.
matapos nito ay boboto ang mga senator-judge kung pananatilihin o babaligtarin ang ruling ni presiding officer chiz escudero na 16 na boto ang kailangan para sa conviction. | ulat Nimfa Asuncion