Giniit ni Senadora Risa Hontiveros na walang dahilan para matakot siya sa planong pagsasampa ng libel at cyber libel case laban sa kaniya ni Kingdom of Jesus Christ Founder Apollo Quiboloy.
Ito ang iginiit ni Hontiveros matapos ianunsyo ng abogado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio ang pagsasampa ng kaso laban sa senador at dalawa pang mambabatas.
Ayon kay Hontiveros, kung tunay na naniniwala si Quiboloy sa hustisya at sa Diyos, dapat nitong harapin ang mga paratang laban sa kaniya sa halip na baligtarin ang usapin.
Sinabi rin ng senadora na si Quiboloy ang wanted ng US Federal Bureau of Investigation at nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa human trafficking, sexual abuse at child abuse.
Bilang chairperson ng senate committee on women, children, family relations and gender equality, pinangunahan ni hontiveros ang imbestigasyon sa umano’y human trafficking, sexual abuse sa mga menor de edad, forced labor at iba pang paglabag sa karapatan na iniuugnay kay Quiboloy.
Giit ni Hontiveros, ang dapat protektahan ay ang mga biktima at mga kababayang naglakas-loob na magsalita laban sa pastor.
Kasalukuyang nakadetine si Quiboloy sa Pasig City Jail habang nahaharap sa mga kaso sa Pasig at Quezon City Regional Trial Courts.
noong agosto, hiniling din ng us state department ang extradition ni quiboloy upang harapin ang ilang kaso sa united states na may kaugnayan sa sex trafficking at iba pang paglabag. | ulat ni Nimfa Asuncion