Walang senador ang nagtanong sa panukalang ₱335.2 million na panukalang 2027 budget ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaya mabilis itong nakalusot sa Senate plenary.
Sa sponsorship ni Senador Kiko Pangilinan ng AMLC budget, sinabi niyang mahalaga ang dagdag-pondo para mapahusay ang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa pagsusuri ng humigit-kumulang siyam na milyong transaction reports na natatanggap ng AMLC bawat buwan.
Inaasahang mapaiikli ng AI analytics project ang pagsusuri at paghahanda ng mga report mula ilang araw tungo sa ilang oras habang nananatili sa mga analyst ang pagpapasya at pagsusuri ng ebidensya.
Ayon kay Pangilinan, ₱144.7 million lang o 43% ng hinihinging pondo ng AMLC ang inilaan sa National Expenditure Program (NEP) para sa 2027. Wala ring nakalaang pondo para sa capital outlay.
Dahil dito, inaprubahan ng Senate Subcommittee on Finance ang hinihinging dagdag-pondo, kabilang ang ₱107.93 million para sa capital outlay na hindi isinama sa bersyon ng Kamara.
Gagamitin ang pondo sa computing infrastructure, pagsubaybay sa cryptocurrency at virtual assets, cybersecurity, pagsasanay ng mga kawani at paghahanda sa 2027 international evaluation ng Asia-Pacific Group on Money Laundering.
Binigyang-diin ni Pangilinan na mahalaga ang pagpapalakas sa AMLC para mapanatili ang mga repormang naging daan sa pagkakatanggal ng Pilipinas sa Financial Action Task Force (FATF) grey list at matupad ang mga internasyonal na obligasyon ng bansa.
Pinuri naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mahalagang papel ng AMLC sa paglaban sa krimen at korapsyon, kaya dapat patuloy na dagdagan ang pondo nito upang mapalakas at mapamoderno ang teknolohiya ng ahensya.
Binanggit ni Gatchalian ang naging ambag ng AMLC sa mga imbestigasyon kaugnay ng POGO, impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at mga maanomalyang flood control project.