Photo courtesy of Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña
Kinondena ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña ang pagtatapon sa mga labi ng 29 na aso at pusa sa San Jose del Monte City, Bulacan, na para lang aniyang mga ordinaryong basura.
Ayon kay Cendaña, nakalulungkot at nakakagalit ang ganitong pagtrato sa mga labi ng mga alagang hayop, na aniya’y nararapat ding bigyan ng maayos na libing.
Diin niya na dapat panagutin ang pet aftercare facility na nasa likod ng pagtatapon at suspindihin man lamang ang kanilang business permits.
Kasabay nito ipinanawagan ni Cendaña ang agarang pagsasabatas ng Animal Legislation for the Advancement of Good Animal Welfare (ALAGA) Bill upang matiyak ang maayos na regulasyon sa mga animal control facility, gayundin ang wastong pag-uulat at dokumentasyon ng mga alagang hayop.