Nilinaw ng Police Regional Office – Cordillera Administrative Region na walang naaresto sa isinagawang operasyon laban kay dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief, Gerald Bantag sa Lamut, Ifugao kahapon, November 1.
Sa pahayag ng PRO-CAR, nagsagawa ng operasyon ang Ifugao Police Provincial Office at 1501st Regional Mobile Force Battalion 15 sa Sitio Alupapan, Brgy. Pugol, upang beripikahin ang impormasyon tungkol sa posibleng kinaroroonan ni Bantag.
Wala sa tinukoy na lugar si Bantag nang isagawa ang operasyon kaya’t mali ayon sa PRO-CAR na sabihing nakaiwas sa pag-aresto ang dating opisyal.
Nabatid na ayon sa Facebook post ni Lamut Mayor Mariano Buyagawan Jr., sinabi nitong muling nakatakas umano si Bantag sa operasyon na isinagawa bandang alas-5 ng madaling-araw.
Ayon sa alkalde, nakatanggap umano ang pulisya ng impormasyon na nagtatago si Bantag sa isang poultry farm sa Barangay Pugol at nagpapanggap na manggagawa roon.
Gayunman, hindi kinumpirma ng PRO-CAR ang mga detalyeng ibinahagi ng alkalde tungkol sa umano’y pagtatago ni Bantag bilang poultry worker.
Nanawagan naman ang PRO-CAR sa publiko na magbigay ng mapagkakatiwalaang impormasyon na makatutulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng mga wanted persons.