Ipinag-utos ni Transportation Secretary Vince Dizon sa Maritime Industry Authority (MARINA) na suspendihin ang Cargo Ship Safety Certificate ng MBca Rose Marie I.
Ito’y matapos lumubog ang naturang barko sa bahagi ng Dalupiri Island at Fuga Island sa Cagayan dahil sa malakas na alon na ikinasawi naman ng 6 sa 11 kargang hayop nito dakong alas-8:15 umaga kahapon.
Ayon sa DOTr, agad tumalima ang MARINA at sinuspende na ang MBca Rose Marie I gayundin ang Seaman’s Book ng kapitan at mga crew nito.
Kasunod nito, iniulat ng MARINA kay Dizon na grounded ang lahat ng barko sa kinabibilangang kumpaniya ng lumubog na barko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Dizon, malinaw ang utos ng Pangulo, tiyakin ang kaligtasan ng mga maritime vessels, pasahero at mga tripulante, at siguruhing may mga hakbang para maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente.


