Prayoridad ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na matiyak ang kapakanan ng libo-libong overboarded riders na naisama sa sistema ng isang motorcycle taxi platform provider.
Kasunod ito ng isinagawang imbestigasyon ng ahensya kaugnay ng alegasyong lumagpas sa government authorized cap ang isang motorcycle taxi company.
Sa inilabas na pahayag ng LTFRB, sinabi ng ahensya na hindi pa nito maaaring ibigay ang kabuuang detalye ng imbestigasyon dahil nagpapatuloy pa ang legal na proseso.
Hindi pa rin umano pinal ang kanilang desisyon sa naturang usapin dahil nakabinbin pa ang Motion for Reconsideration na inihain ng motorcycle taxi platform provider.
Ayon sa LTFRB, kasalukuyan na rin itong bumubuo ng mga hakbang para matugunan ang sitwasyon ng mga apektadong rider, habang tinitiyak na sumusunod sa mga regulasyon ng pamahalaan ang online boarding system ng mga ride-hailing service.