Ipinaliwanag ng House prosecution panel kung bakit hindi nila agad itinuon sa Article II o unexplained wealth ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House private prosecutor at spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., dumaan muna sa mahabang legal na proseso at pagpapalabas ng mga subpoena ang pagkuha sa mahahalagang bank records at iba pang financial documents.
Tugon ito sa mga puna kung bakit ilang buwan pang nagprisinta ng ebidensya ang prosecution sa tatlong kasong kalaunan ay iniurong na lamang.
Paalala ni Tolosa, tinutulan din ng defense panel ang pagpapalabas ng financial records kaya natagalan bago nila nakuha ang mga ito.
Aniya, nang makuha lamang nila ang mga dokumento ay saka nila nasuri at naikumpara ang mga halaga sa mga opisyal na deklarasyon sa pananalapi ng Bise Presidente.
Sa pagsusuri ni forensic accountant Alexander Cabrera, lumitaw ang umano’y ₱817.87 million undeclared wealth.
Dito na umano sila nagdesisyong ituon ang impeachment trial sa Article II o unexplained wealth.