Photo courtesy of PRO-BAR
Puspusan na ang pagtugis ng Philippine National Police (PNP) sa mga pumatay kay Police Major Razul Guimbangan Pandulo, Hepe ng Bubong Municipal Police Station sa Lanao del Sur.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, binaril ang biktima bandang alas-4:30 ng hapon kahapon, November 23, sa kanyang inuupahang apartment sa Barangay Poblacion.
Dalawang lalaking nakabonnet at sakay ng motorsiklo ang bumaril sa kanya, na agad ding tumakas.
Mariing kinondena ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang pag-atake.
Inatasan niya ang lahat ng police unit sa rehiyon at mga kalapit na lugar na agad matukoy at mapanagot ang mga suspek at ang kanilang mga kasabwat.
Ipinag-utos din niya ang masusing imbestigasyon para matukoy ang motibo sa krimen.
Tiniyak din niya sa pamilya ng biktima na personal niyang babantayan ang pag-usad ng kaso para makamit ang hustisya. Patuloy naman ang follow-up operations ng pulisya para madakip ang mga salarin.