Ibababa pa ng Marcos Administration sa grassroots o sa mga paaralan ang sports at iba pang oportunidad upang ma-engganyo at mahubog ang potensyal ng mga batang atleta sa Pilipinas.
“It’s for the mental health of the children, it’s for the physical health. It’s all good. It’s all good,” pahayag ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, bukod sa pagpapa-igting ng mga pasilidad, marami pang hakbang ang ginagawa ng gobyerno para suportahan ang mga atleta ng bansa.
Sinabi ng Pangulo, ang sports program, mangangailangan ng dalawang bahagi. Una ay ang extensive, kung saan ng mga kabataan, dapat ay mabigyan ng pagkakataon na makalaro ng organized sports, kahit dalawang oras lamang kada linggo.
Kahit anong sports aniya, basta mayroong coach, at mayroong huhubog sa kakayahan ng mga bata ay malaking bagay.
“At dalawang bagay ‘yan eh. In my mind, hinahati ko ‘yung sports program sa dalawa. Mayroon ‘yung extensive dahil kailangan lahat ng mga kabataan, lahat sila naglalaro ng sports. Mga kahit two hours a week lang na organized sport. Kahit na anong klaseng sport basta may coach, mayroon nagtuturo sa kanila, whatever sport,” ani Pangulong Marcos.
Ibinabalik na aniya ng administrasyon sa mga paaralan ang mga aktibidad na pampalakasan, sa tulong ng Philippine Sports Commission at DepEd.
“Wala na sa school natin pero binabalik natin. Sumusubok kaming gumawa ng mga paraan together with the Sports Commission and the DepEd, and mga groups like Milo. Milo has been a big, big asset for sports in the Philippines. So, together, we are finding ways to support,” sabi pa ng Pangulong Marcos.
Ang isa pang bahagi aniya, ang suporta na kailangang matanggap ng mga atleta, mula sa pamasahe, pagkuha ng coach, nutrition, training, at iba pang tulong na gagampan ng malaking bagay para sa kanilang pakikilahok sa mga patimpalak. “Kasi kung titingnan ninyo, dito pa lang tatlo na ‘yung champion natin. Nandiyan si Alex, nandiyan si Hidilyn, nandiyan si EJ. Hindi pa tumutulong sa kanila ang gobyerno. Milo lang ang tumulong sa kanila. Mayroon na tayong champion. Si Caloy, mayroon pa. Ang dami… Magaling ang Pilipino. Kung tulungan pa natin, dadami pa ‘yan.”
Kung matatandaan, patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang sports development sa bansa, maging ang suporta sa mga atleta. Katunayan, ang major rehabilitation ng Philippine Sports Arena, naisakatuparan sa ilalim ng Marcos Admministration.