Inilunsad ngayong araw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang bago at pinalawak na benefit package na tinawag nilang PhilHealth TAPAT na layong ilapit pa sa bawat pamilyang Pilipino ang serbisyong pangkalusugan
Pinangunahan ni Department of Health (DoH) Acting Secretary Edwin Mercado at PhilHealth Acting President at CEO Beverly Ho ang programa kasama si Finance Secretary Frederick Go.
Epektibo January 1 ng susunod na taon, bibigyan ng 20% insentibo ang mga eligible direct contributor ng state health insurer sa ilalim ng naturang programa.
Halimbawa, para isang pasyenteng may diagnosis na moderate pneumonia, mula sa ₱29,250 na benefit package ay magiging ₱33,100 ang kanyang benepisyo dahil sa topped-up case rate.
Paliwanag ni Acting Health Secretary Dr. Edwin Mercado, layunin ng programa na manghikayat sa mga myembro na gawing regular ang pagbabayad ng kanilang premium.
Tatagal ng isang taon ng bagong programa at isasailalim muna sa policy review bago gawing regular na programa.
Samantala, ibinida rin ng PhilHealth ang mga pinalawak nilang serbisyo na aasahan din sa pagpasok ng taong 2027
Kabilang sa mga inaprubahang pagpapalawak ng benepisyo ang maternity care, pagtaas ng case rates para sa piling serbisyong pangkalusugan ng mga babae.
Gayundin ang coverage para sa mga pasyenteng may katamtaman hanggang malubhang leptospirosis.
Kasama rin dito ang Z Benefit Package para sa mga batang may developmental disabilities, PhilHealth TAPAT, pagpapalakas ng operasyon ng YAKAP program, at nakalaang suporta para sa mga kwalipikadong solo parent at persons with disabilities (PWDs).
Inaasahan namang mas maraming serbisyo ang magiging accessible sa PhilHealth sa pamamagitan ng eGovPH Super App at madaragdagan ang mga kama sa pribadong ospital na saklaw ng No Balance Billing pagsapit ng susunod na taon.

