Pormal nang inilagay sa active service ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong karagdagang barko upang higit pang palakasin ang kakayahan nito sa pagbabantay sa karagatan ng bansa at pagtugon sa mga emergency sa dagat.
Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Rommel Supangan ang commissioning ceremony ng BRP Patag, BRP Pag-asa at BRP Kalikasan ngayong Nobyembre 25 sa PCG National Headquarters sa Port Area, Maynila, kasabay ng ika-62 anibersaryo ng Coast Guard Fleet.
Ang BRP Patag at BRP Pag-asa ay parehong 27-meter Marine Protector-class patrol vessels na natanggap ng Pilipinas mula sa Estados Unidos.
Sumailalim din sa espesyal na pagsasanay ang 24 na tauhan ng PCG sa Baltimore, Maryland, sa Estados Unidos na kanilang nakumpleto noong Agosto 20.
Samantala, ang BRP Kalikasan ay isang 20-meter marine research and survey vessel na lokal na ginawa sa Cebu at gagamitin sa pagsusuri sa ilalim ng mabababaw na karagatan at pangangalaga sa yamang-dagat.
Na-deliver ito sa Coast Guard Fleet noong Hulyo at isinagawa ang unang misyon nito sa Corregidor Island noong Nobyembre 8.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, bahagi ang pagdaragdag ng mga barko sa programa ng modernisasyon at pagpapalakas ng kakayahan ng Coast Guard.
Inaasahang mapapalawak ng mga bagong barko ang operasyon ng PCG sa pagpapatupad ng kaligtasan sa karagatan, pagtugon sa mga emergency, oil spill at iba pang insidenteng nagbabanta sa yamang-dagat ng bansa.