Magkakahalintulad na hamon sa pagsusulong ng environmental journalism sa Pilipinas at iba pang bansa sa Asia-Pacific ang binigyang-pansin sa isang international media forum sa Paris, France.
Sa talakayan ng CFI Forum na nilahukan ng mga kinatawan ng PBS-BBS, ibinahagi ng mga mamamahayag mula sa Pilipinas, Fiji at Papua New Guinea ang kanilang karanasan sa pagbabalita tungkol sa climate change at mga suliraning pangkapaligiran.
Lumabas sa diskusyon na sa kabila ng magkakaibang kalagayan ng bawat bansa, madalas lamang nabibigyang-pansin ang mga kuwentong pangkalikasan kapag may bagyo, pagbaha, tagtuyot at iba pang kalamidad.
Binigyang-diin din ng mga kalahok ang kakulangan ng regular na environmental programs at ang pangangailangang gawing mas simple at makatao ang mga ganitong kuwento upang mas maunawaan ng publiko.
Sa pamamagitan ng mas malawak at tuloy-tuloy na environmental reporting, hangad ng mga mamamahayag na hindi lamang maipakita ang epekto ng climate change, kundi maipakilala rin ang mga solusyon at pagkilos na isinasagawa ng komunidad.