Pinag-aaralan ng Department of Migrant Workers (DMW) na muling payagan na magpadala ng hotel workers sa Israel.
Una nang nakapulong ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang Israeli officials kung saan napag-usapan ang pagpapalakas ng bilateral labor relations ng dalawang bansa at pagtugon sa pangangailangan ng Filipino workforce.
Ayon sa kalihim, interesado ang hotel operators na mag-hire ng Filipino workers dahil sa magandang reputasyon sa industriya.
Bagama’t nabanggit ni Cacdac ang posibleng pagpapatuloy ng naturang deployment, sinabi nitong nakadepende ang desisyon sa resulta ng security evaluations sa gitna ng tensyon sa rehiyon.
Makikipag-ugnayan naman ang DMW Chief kina DFA Secretary Tess Lazaro at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kaugnay sa security situation bago maglabas ng desisyon.
Bukod sa hotel workers, inaasahan din ang technical discussions sa mga isyu kaugnay ng deployment ng Filipino caregivers, partikular ang ibinibayad sa mga ito.