Ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukuwestiyon sa pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court o ICC.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Japar Dimaampao, itinuring ng Supreme Court na moot and academic na ang magkakahiwalay na petisyong inihain ng mga anak ng dating pangulo.
Ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na wala nang saysay na pagpasiyahan ang mga petisyon dahil kasalukuyan nang nasa kustodiya ng ICC si Duterte sa The Hague, Netherlands.
Dahil dito, hindi na maaaring ipatupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus, dahil limitado lamang sa teritoryo ng bansa ang kanilang hurisdiksiyon.
Ang writ of habeas corpus ay isang legal na remedyo na nagbibigay-daan upang kuwestiyunin ang legalidad ng pagkakakulong sa isang tao at hilingin ang kaniyang pagpapalaya kung walang sapat na batayan ang detensiyon. Dagdag pa ng Korte Suprema, wala na rin sa kustodiya o kontrol ng mga opisyal ng pamahalaan si Duterte matapos siyang mailipat sa ICC.