Kinumpirma ng Department of Justice o DOJ na inirekomenda ng Office of the City Prosecutor ng Malabon ang pagsasampa ng isang bilang ng cyber libel at tatlong bilang ng unjust vexation laban sa political commentator na si Jesus Falcis.
Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, nakita ng piskalya ang sapat na ebidensiya o prima facie evidence with reasonable certainty of conviction upang irekomenda ang pagsasampa ng mga kaso laban kay Falcis.
Nag-ugat ang reklamo sa 38 umano’y mapanirang post ni Falcis sa Facebook, na inilathala mula Mayo 17, 2025 hanggang Abril 22, 2026.
Inihain ang reklamo ni Navotas City Representative Toby Tiangco, na nag-akusa kay Falcis ng umano’y sistematikong paninira sa kanyang pagkatao.
Una itong isinampa sa Navotas City, ngunit inilipat sa Malabon noong Hulyo 21, 2026, matapos humiling si Falcis ng inhibition upang matiyak ang patas at walang kinikilingang imbestigasyon.
Sa ngayon, rekomendasyon pa lamang ng piskalya ang pagsasampa ng mga kaso.