Muling magtataas ang presyo ng langis ngayong linggo.
Mula Setyembre 7 hanggang 11, tuloy‑tuloy ang pagakyat ng world oil prices. Batay sa kalakalan, posibleng madagdagan ng ₱4 hanggang ₱5 kada litro ang diesel, ₱5 hanggang ₱6 kada litro ang gasolina, at ₱4 hanggang ₱5 kada litro ang kerosene.
Sa gitna ng pagmahal ng krudo, kawalan ng katiyakan sa Gitnang Silangan, at patuloy na paghina ng piso, lumulutang ang tanong: ano ang magagawa ng pamahalaan at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para hindi tuluyang lumala ang inflation?
Sa programang Diskarteng Wais ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni financial analyst Jonathan Ravelas na posibleng magpatupad ang BSP ng off‑cycle hike para maibsan ang paghina ng piso. Ngunit nakatingin din ang merkado sa desisyon ng US Federal Reserve sa Setyembre 15, na inaasahang magtataas ng interest rate dahil sa sarili nilang problema sa inflation.
Dagdag pa ni Ravelas, hindi sapat ang dagdag‑ayuda. Kailangan ng gobyerno ng “emergency plan” — hindi na puwedeng business as usual. Kabilang sa mga mungkahi: pag‑shift sa four‑day workweek, pag‑rationalize ng mall hours para makatipid sa kuryente, at pagtutok lamang sa mga esensyal na gawain. Aniya, dapat paghandaan ang posibilidad na magtagal pa ang krisis sa langis at girian sa Middle East.
Muling iginiit ng analyst na panahon na para repasuhin ng pamahalaan ang mga hakbang, at maaaring imbitahan ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) upang talakayin ang mas malawak na solusyon. Hindi lang presyo ng langis ang nakataya, kundi ang buong ekonomiya at pamumuhay ng mga Pilipino.