Naglabas ng show cause order ang Commission on Elections o COMELEC laban sa dating Comelec Chairman na si Atty. Sheriff Abas, na ngayon ay tumatakbong district representative ng First District ng Cotabato City sa kauna-unahang parliamentary elections ng BARMM, kaugnay ng umano’y insidente ng vote buying.
Ayon sa COMELEC Committee on Kontra Bigay, iniimbestigahan si Abas matapos kumalat sa Facebook ang mga larawang nagpapakita ng sample ballot na may pangalan niya at may nakakabit umanong tatlong libong pisong pera. Itinuturing ng komite na maaaring paglabag ito sa Omnibus Election Code at sa mga probisyon ng COMELEC Resolution 11104 laban sa vote buying.
Sa show cause order, inatasan si Abas na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng 24 oras kung bakit hindi siya dapat sampahan ng election offense at petisyon para sa diskwalipikasyon.
Samantala, sa isang Facebook post, itinanggi ni Abas ang mga paratang at nanawagan sa publiko na huwag magpakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon. Iginiit niyang kung may alegasyon, dapat itong idaan sa tamang proseso sa COMELEC at hindi sa social media.