Umabot na sa 101,124 public utility vehicle o PUV beneficiaries sa buong bansa ang nakinabang sa pinalawak na fuel subsidy program ng pamahalaan, kung saan itinaas sa ₱12 kada litro ang diskwento sa gasolina at diesel para sa mga kwalipikadong driver at operator.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ipinatupad ang mas mataas na fuel subsidy sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mabawasan ang gastusin ng mga PUV driver at operator sa gitna ng mataas na presyo ng produktong petrolyo. Mula sa dating ₱10 kada litro, naging ₱12 kada litro na ang fuel discount.
Pinadali rin ang pag-avail ng benepisyo dahil hindi na kailangang magsumite ng mga dokumento o pumila. Direktang natatanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang fuel subsidy sa mahigit 3,500 participating gasoline stations sa buong bansa.
Sa mahigit 101,000 PUV beneficiaries na nakinabang na sa programa, inaasahan ng pamahalaan ang mas ramdam na benepisyo para sa ating mga PUV driver.