Isasagawa bukas, September 14, 2026, ang School-Based Activation ng YAKAP na Handog ng Pangulo 2026 sa Surigao del Norte National High School sa Peñaranda Street, Surigao City.
Pangungunahan ito ng PhilHealth Regional Office Caraga, katuwang ang Department of Education, Department of the Interior and Local Government, at mga lokal na pamahalaan, upang mailapit sa komunidad ng paaralan ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Kabilang sa mga serbisyong ihahatid ang YAKAP Clinic Services para sa First Patient Encounter, empanelment at konsultasyon, gayundin ang GAMOT Services at libreng mga gamot.
Magkakaroon din ng vaccination at iba pang medical services mula sa Department of Health, pati na ang PSA PhilSys Registration at assistance para sa PhilHealth membership. Bukas ang aktibidad para sa mga mag-aaral, guro, school personnel at mga magulang.
Hinihikayat ang buong school community na samantalahin ang pagkakataong makakuha ng mga serbisyong pangkalusugan at iba pang benepisyo nang libre.
Layunin ng programa na mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad at mapalakas ang access ng bawat pamilya sa primary healthcare.