Iniutos na ng Sandiganbayan 3rd Division ang paglilipat kay dating House Speaker Martin Romualdez sa Quezon City Jail Male Dormitory, kung saan siya ituturing na detention prisoner.
Nakabatay ang kautusan sa resulta ng independent medical examination kay Romualdez noong September 12, na isinagawa ng 12 doktor at specialists ng Philippine General Hospital (PGH).
Sa pagharap sa korte ni UP-PGH Director Dr. Gerardo Legaspi, sinabi nitong stable na ang kondisyon ni Romualdez at kontrolado sa pamamagitan ng gamot ang iba pa nitong medical conditions.
Sinuri rin si Romualdez para sa severe obstructive sleep apnea at pinayuhang gumamit ng CPAP machine. Gayunman, sinabi ng PGH, na hindi na niya kinakailangang manatili sa ospital at maaari nang ipagpatuloy ang kinakailangang medical care at heart monitoring habang nasa kustodiya.
Humarap din ang doktor ng BJMP at tiniyak na may sapat na pasilidad ang QC Jail para sa patuloy na monitoring sa kondisyon ni Romualdez. Maaari rin siyang gumamit ng CPAP machine, makonsulta ng kanyang private doctors, at dalhin sa pinakamalapit na ospital kung kakailanganin.
Nakatakda naman ang arraignment ni Romualdez sa Miyerkules, September 16.