Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paggamit ng solar energy sa kanilang mga pasilidad.
Ito’y ayon sa MMDA matapos ang kanilang pakikipagpulong sa mga kinatawan ng Department of Energy (DOE) at dalawang pribadong kumpanya.
Tinalakay sa pagpupulong ang panukalang solar energy project na makikinabang ang MMDA Motorcycle Riding Academy at MMDA Heritage Walkway sa Pasay City.
Sakaling matuloy, maaari rin itong magsilbing charging hub para sa mga electric vehicle ng ahensya kabilang ang mga libreng shuttle bus sa ilalim ng MMDA Love Bus Program.
Malaking tulong din ang proyekto dahil matatagpuan ito sa bahagi ng EDSA, kung saan mas maraming tao ang makakakita sa paggamit ng renewable energy at sa pagsisikap ng MMDA na isulong ang mas malinis na enerhiya.