Ipinagbabawal sa batas ang kaguluhan o karahasan sa anumang pagkilos para sa pagpapahayag ng saloobin.
Ito ang binigyang-diin ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng pahayag ng grupong BAYAN na hindi dapat diktahan ng Malacañang ang mga magsasagawa ng pagkilos sa Lunes, September 21.
Ayon kay Castro, walang katotohanan ang akusasyon ng grupo na dinidiktahan ng Malacañang ang mga magpo-protesta, lalo’t pakiusap lamang naman ng Palasyo ang pagpapanatiling mapayapa at maayos ng pagkilos.
“Ang ibig po bang sabihin niyan, unang-una, hindi po tayo nagdidikta, ang pagiging peaceful, ito po ay nasa batas natin. Gusto po ba nila maging marahas, gagawin po ba nila ang kanilang pagpoprotesta nang may karahasan? Iyan ay bawal sa batas, hindi po pagdidikta ang sinasabi nating gawing peaceful ang kanilang pagpoprotesta, hindi nga po sila pinagbabawalan, pero para sabihing nagdidikta po tayo, iyan po ay malaking kasinungalingan.” —Castro
Tanong ni Castro, sa papaanong paraan ba gagawin ng mga magpo-protesta ang kanilang pagpapahayag ng damdamin.
Wala naman aniyang mayroong nais ng karahasan at kaguluhan.
Ipinunto ng opisyal na walang dinidiktahan ang Palasyo, lalo’t hindi rin naman sila pinagbawalan na mag-rally sa Lunes.
“So, ang tanong, kung ayaw ninyo ng peaceful, anong gusto ninyong klaseng protesta? Marahas, may pananakit, may batuhan, may pang-aabuso sa ating mga kapulisan? Tama ba iyan? Dapat ba itong i-tolerate ng mga kababayan natin? Ano ba ang ipinaglalaban nila dito? Para sa taumbayan o para sa karahasan?” —Castro
