Binigyang-diin ng PricewaterhouseCoopers (PwC) Philippines na nananatiling malaking hamon ang pag-scale up ng mga creative enterprises sa ASEAN partikular na sa Pilipinas.
Sa isinagawang ASEAN Business Advisory Council Creative Economy Business Dialogue, tinukoy ni PwC Philippines Managing Partner Jade Roxas-Divinagracia ang patuloy na suliranin sa pagkalap ng pondo para sa creative sector ng bansa.
Aniya, bagamat may sapat na kapital at suporta mula sa pamahalaan at pribadong sektor sa simula partikular sa development at production tulad ng mga grants, co-production agreements, at publisher financing ay nagiging mahirap naman para sa mga negosyo ang pagkuha ng pondo kapag dumating na sa commercialization at expansion stage.
Giit pa nito na ang pinakamalaking oportunidad para sa pag-unlad ng creative economy sa Pilipinas ay ang pagpapatibay ng suporta sa buong value chain.
Mahalaga ring maunawaan at matukoy ang tunay na halaga ng Intellectual Property (IP) upang magamit ito sa pagkuha ng karagdagang IP financing.