Binigyang-diin ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang ibibigay na diplomatic immunity ang Pilipinas para sa mga banyagang magtatrabaho sa planong Pax Silica AI hub sa Tarlac.
Ito ang naging pahayag ni Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo, kaugnay ng pangamba ng ilan na magamit ang diplomatic immunity ng mga foreign worker sa Pax Silica upang makatakas sakaling gumawa sila ng anumang paglabag o krimen.
Ani Rodolfo, kabilang ito sa mga ilalagay sa pipirmahang framework agreement ng Pilipinas at Amerika sa Nobyembre.
Paglilinaw pa ng opisyal, na mananatiling teritoryo ng Pilipinas ang pagtatayuan ng Pax Silica hub at susunod ang mga ito sa batas ng Pilipinas.
Lumutang ang nasabing usapin matapos mabanggit ang sinapit ng kaso ni Jennifer Laude o hindi kaya ay kung may paglabag sa labor laws ng Pilipinas ang mga banyagang kompanya sa Pax Silica.