Isinusulong ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mas matibay na proteksyon para sa mga Pilipinong seafarer, kasabay ng paghahanda sa kanila sa mabilis na pagbabago sa global maritime industry.
Sa pagbubukas ng Philippine Maritime Convention 2026 sa Manila Hotel, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na hindi sapat na magaling lang ang ating mga marino. Dapat din aniyang ligtas at maayos ang kanilang kalagayan sa trabaho.
Para maging epektibo ang Magna Carta of Filipino Seafarers, kailangan umano ito ng mahigpit na regulasyon, tapat na recruitment, dekalidad na edukasyon at training, at mabilis na serbisyo.
Nanawagan din si Cacdac ng mas malapit na ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, mga manggagawa, industriya, akademya, at mga katuwang sa ibang bansa.
Hindi lang umano talento ang dapat maiambag ng Pilipinas kundi pati pamumuno sa paghubog ng kinabukasan ng global seafaring.
Katuwang ng DMW sa convention ang MARINA, ang Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippines, at ang Joint Manning Group.