Hinihimok ngayon ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang mga lokal na negosyo at kumpanya na gamitin ang satellite data upang mapabuti ang kanilang mga kasalukuyang serbisyo at makabuo ng mga bagong makabagong produkto.
Ayon sa PhilSA, nakikipagtulungan na sila sa iba’t ibang startups, organisasyon, at pribadong kumpanya upang linangin ang kakayahan ng mga ito na pagsamahin ang satellite data sa iba pang uri ng datos. Kabilang dito ang impormasyon sa populasyon (demographic data), transportasyon, paggamit ng enerhiya, at mga socio-economic statistics.
Binigyang-diin ni PhilSA Acting Director General Gay Jane Perez na ang satellite data ay hindi lamang para sa mga espesyal na larangan, kundi isang mahalagang pundasyon na maaaring magamit sa pang-araw-araw na operasyon.
“Nais naming makita ng mga innovator ang satellite data bilang isang building block—isang bagay na pwedeng ipares sa mga umiiral na teknolohiya at lokal na kaalaman upang matugunan ang mga totoong suliranin,” pahayag ni Perez.
Aniya, ang pagsasama-sama ng mga datos na ito ay makatutulong sa mga negosyo upang makatukoy ng mga bagong oportunidad sa merkado, mapabilis ang operasyon, at makalikha ng solusyon sa mga hamon ng iba’t ibang industriya.
Mentoring para sa Space Business Innovations
Lider din ang PhilSA sa pagpapatakbo ng Space Business Innovation Camp, isang pitong linggong online mentoring program na naglalayong gabayan ang mga kalahok kung paano gagawing satellite-enabled solutions ang kanilang mga ideyang pambisnes.
Sa pamamagitan ng programa, tumatanggap ang mga kalahok ng pagsasanay sa pagtukoy ng problem-solution fit, pag-unawa sa merkado, at pagbuo ng value proposition—mga krusyal na hakbang sa maagang bahagi ng pagtataguyod ng negosyo.
Nagbubukas din ang innovation camp ng mga pagkakataon para sa komersyalisasyon dahil naiuugnay ang mga kalahok sa mga potensyal na katuwang sa research and development (R&D), mga pondo para sa startup, at mga incubation o acceleration program.