Nagpasalamat ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Commission on Elections (COMELEC) matapos pagbigyan ang hiling nitong exemption sa election ban para sa ilang programa sa pampublikong transportasyon.
Kabilang dito ang Fuel Subsidy Program, na sakop ang one-time fuel subsidy at ₱12 kada litrong fuel discount, gayundin ang Service Contracting Program na kinabibilangan ng EDSA Busway Extension at Love Bus “Libreng Sakay.”
Kasama rin sa exemption ang mga aktibidad sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP), kabilang ang tatlong buwang assistance para sa monthly amortization at operational expenses ng mga PUV operator.
Ayon sa LTFRB, mahalaga ang exemption para magtuloy-tuloy ang tulong sa mga operator, driver at commuter, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Tiniyak naman ng LTFRB na susundin nito ang mga kondisyon ng COMELEC, kabilang ang pagbabawal sa direktang partisipasyon ng mga kandidato sa pagpapatupad ng mga programa at pagsusumite ng periodic reports sa mga naging disbursement.
“The approval is a big relief for all the beneficiaries of the program especially at this time that they are really in need of government assistance. We thank the COMELEC for this,” pahayag ni Acting Chair Greg Pua Jr.