Kumikilos na ang Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) para galugarin at tuntunin ang mga nasa likod ng pang-iimpluwensya sa mga kabataan na gumawa ng karahasan gamit ang ‘dark web.’
Ito’y kasunod ng atas ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na alamin at tanggalan ng maskara ang grupong nasa likod nito upang mapanagot sa batas.
Sa isinagawang walk-thru at re-enactment sa Banga National High School sa South Cotabato kasama si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, sinabi ng PNP Chief na walang ibang nagtulak sa shooter na gawin ang karahasan kundi base sa pagkalulong nito sa online games.
Kasunod nito, sinabi naman ni PNP ACG Director, PMGen. Andre Dizon na puspusan ang ginagawang cyberpatrolling ng kanilang mga imbestigador para matukoy kung sino ang mga kausap ng shooter.
Samantala, iniimbestigahan na rin ng PNP-ACG kung sino ang kausap ng menor de edad na naaresto sa Sultan Kudarat kung saan, napigilan ang dapat sana’y tangkang pamamaril sa isa ring paaralan.
