Sa pangunguna ng Pilipinas bilang ASEAN 2026 Chair, naging produktibo ang 14th East Asia Summit Economic Ministers’ Meeting sa Pasay City nitong Lunes.
Dito, binigyang-diin ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina A. Roque ang kahalagahan ng pagtutulungan ng 11 ASEAN member states at walong East Asia Summit partner nations upang matugunan ang mga hamong pang-ekonomiya sa mundo.
Binigyang-diin sa pagpupulong ang pananatiling bukas ng mga trade corridor upang matiyak ang tuloy-tuloy na daloy ng kalakalan, partikular ang supply ng enerhiya at iba pang pangunahing pangangailangan.
Kaugnay nito, isinusulong ang pagsasakatuparan ng ASEAN Power Grid upang matiyak ang sapat at matatag na supply ng kuryente para sa lumalaking industrial at digital demands, kasabay ng paglago ng ekonomiya ng Southeast Asia.
Target ng ASEAN Power Grid na ikonekta ang mga energy system at infrastructure ng ASEAN member nations pagsapit ng 2045.
Matatandaan na noong 2025, nakapagtala ang ASEAN at ang mga dialogue partner nito Australia, China, India, Japan, New Zealand, South Korea, Russia, at Estados Unidos ng kabuuang two-way trade na nagkakahalaga ng USD 3.07 trillion, na patunay ng kanilang malakas na ugnayang pangkalakalan.