Nanawagan ang Department of Justice o DOJ 11 sa publiko, lalo na sa mga media outlet, vloggers, content creators at social media users, na maging responsable sa pagbabahagi ng mga sensitibong video, partikular ang mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan na may kinalaman sa mga menor-de-edad.
Sa isinagawang Kapehan sa Dabaw sa SM City Davao Annex, sinabi ni DOJ 11 Deputy Regional Prosecutor Atty. Karl Andre Salcedo na mahalagang maunawaan ng publiko kung aling mga insidente ang maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa lipunan, lalo na sa mga kabataan, bago ito basta-basta ipakalat sa social media.
Ayon kay Salcedo, hindi lamang mga media outlet ang may responsibilidad sa tamang pagbabahagi ng ganitong impormasyon, kundi maging ang mga vloggers, content creators at ordinaryong social media users.
Mahalaga rin aniya na isaalang-alang muna ang layunin sa pagpo-post ng isang impormasyon at kung makatutulong ba ito sa publiko.
Dagdag ni Salcedo, ang mga insidente tulad ng pamamaril sa loob ng paaralan na sangkot ang mga menor-de-edad ay dapat seryosong tugunan at hindi ituring na simpleng insidente lamang.
Binigyang-diin nito na mahalaga ang pagiging responsableng netizen upang maiwasan ang karagdagang pinsala na maaaring idulot ng hindi maingat na pagpapakalat ng sensitibong impormasyon.