Ipinapanukala sa Kamara ang pagtatatag ng hindi bababa sa isang Department of Health (DOH) tertiary hospital sa bawat lalawigan.
Layon ng House Bill No. 11349 o “Tertiary Hospital in Every Province Act,” na tugunan ang hindi pantay na access sa specialized at critical medical services, lalo na sa mga probinsyang kulang sa government tertiary hospitals.
Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan, isa sa may akda ng panukala hindi dapat kailanganin ng mga Pilipino na bumiyahe palabas ng kanilang lalawigan para lamang makakuha ng specialized o kritikal na gamutan.
Sa ilalim ng panukala, bawat lalawigan ay dapat magkaroon ng DOH hospital na hindi bababa sa Level 2 at magsisilbing end-referral hospital sa provincial health system.
Maaaring maisakatuparan ito sa pamamagitan ng pag-upgrade ng kasalukuyang DOH hospital, pagtatayo ng bagong pasilidad, o pag-convert at pag-upgrade ng provincial, district, city, o municipal hospital, sa pahintulot ng kinauukulang local government unit.
Magtatayo rin ng satellite o annex facilities para sa mga island province at geographically dispersed areas, habang ang mga probinsyang walang DOH hospital ay dapat magkaroon ng fully operational Level 2 facility sa loob ng tatlong taon.
Titiyakin din na maprotektahan ang ang ranggo, sahod, tenure, at benepisyo ng mga kawani ng mga lokal na ospital na maaaring ma-convert.