Inaasahan pa rin ng mga House prosecutor na dadalo si Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment trial, ngunit hindi sila tiyak kung sisipot ito kapag tumestigo na ang kanyang kapatid na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa susunod na linggo.
Ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong Martes, mas mahalaga para sa prosekusyon na tumalima si Baste sa subpoena at humarap sa Senate Impeachment Court.
Sa ngayon aniya, hindi muna sila nag-e-expect na dadating si VP Sara ang importante anila ay tumugon si Mayor Baste sa subpoena ng Senado.
Ipinatawag si Baste bilang testigo ng prosekusyon habang binubusisi ang mga transaksyon ng gobyerno na kinasasangkutan ng Gencorp Industries Inc.
Ang nasabing kumpanya ay idineklara mismo ng bise presidente na kabilang sa kanyang mga business interest at financial connection sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).