Hinigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang sa seguridad sa ground at cyberspace.
Ito ay bilang paghahanda ng bansa sa pagho-host ng ika-49 na ASEAN Summit sa Nobyembre.
Inatasan ni PNP Chief PGEN. Jose Melencio Nartatez Jr. ang NCRPO at iba pang yunit na palakasin ang pagpaplano sa seguridad sa paligid ng mga lugar na pagdarausan ng summit, mga hotel, paliparan, at pangunahing transport hub.
Kabilang sa direktiba ang pinaigting na foot patrol at mobile patrol, gayundin ang kahandaan ng mga quick reaction team.
Palalakasin din ang cyber monitoring laban sa maling impormasyon, disinformation, at iba pang banta online na maaaring makaapekto sa summit.
Ayon kay Nartatez, nakikipag-ugnayan sila sa mga ahensya ng pamahalaan, local government units, at security partners upang matiyak ang kaligtasan ng mga delegado at ng publiko.
Igagalang naman aniya ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon lalo ang mga grupong tumututol sa Pax Silica initiative.
Gaganapin ang ika-49 na ASEAN Summit mula Nobyembre 16 hanggang 18 sa Metro Manila.