Susunod nang ipapa-subpoena ng National Bureau of Investigation ang mga dokumento mula sa Commission on Audit kaugnay ng nasa 50 flood control projects na nakitaan ng red flags sa Davao Region
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag lumabas kasi sa kanilang insiyal na imbestigasyon na umabot sa ₱7 billion ang inilabas na pondo sa iisang kontraktor lang mula ng 2018 hanggang 2024. Mas malaki ito mula sa nauna nilang nakita na nasa ₱1.9 billion.
Sa pagdedetalye ng NBI lumalabas na limang beses pinondohan ang isang flood control project pero iba-iba lang ang titulo nito kaya hihimayin ng NBI ang mga dokumento kasama na rin ang mga dokumento mula sa Department of Public Works and Highways
Ayon naman kay Director Matibag, nakita nila na kilala ng pamilya Duterte ang tatlo sa contractors na nabigyan ng flood control projects partikular ang Genesis 88 Construction Inc., Jema Contractors Inc. at Agong Builders Construction and Supply Inc. kaya kasama rin ito sa iimbestigahan.
Hihingan din ng pahayag ang mga contractor kaugnay nito lalo na kung base sa mga dokumentong isinumite ng DPWH na una nang hawak ng NBI ngayon ay totoong may mga anomalya.